Forever Kamag-aral: Para sa ABS-CBN University

Anjo Bagaoisan Graduating from an ABS-CBN University course, with Ms Ging Reyes & university head Gabriel Orendain (Photo from ABS-CBN University)
Graduating. (Photo from ABS-CBN University)

Dati, may cadetship program ang ABS-CBN News & Current Affairs para sa mga naghahangad maging reporter sa isa sa pinakaprestihiyosong newsroom sa Pilipinas.

Wala na nito noong pumasok ako sa ABS. Pero tila nagkaroon din kami ng kahalintulad dahil sa ABS-CBN University.

Anim na taon mula nang magbukas ito para sa mga empleyado ng ABS-CBN, kasama ang Univ sa hinintong sangay ng kompanya ngayong Agosto dahil sa shutdown ng network at pagpatay sa franchise application nito.

Nagpapasalamat pa rin ako at ikinararangal na isa ako sa mga naging mag-aaral nito.

Hindi rin siguro nadagdagan ang munti kong kahandaan sa pagre-reporter kung wala ang University.

Data journalosm class intro with Marie Mamawal (Photo from ABS-CBN University)
Madalas naming klase dito sa 5th floor ng ELJ (Photo ng ABS-CBN University)
Broadcast voice class with Bob Novales. (Photo from ABS-CBN University)
O kaya rito sa maliit na kwarto sa 13th floor (Photo ng ABS-CBN University)

Isipin mo, sagot ng iyong dibisyon ang pag-aaral mo sa isang klase na tumatagal ng isang semestre. Huwag mo lang ilaglag o ibagsak.

May pagkain ka pa, hatid ng 9501 Restaurant (blockbuster ang kanilang masarap na coffee jelly).

Madalas, sadyang pinapapasok sa klase ang empleyado dahil nakikita ng immediate superior niya na makatutulong sa kanya ang subject.

Pero naghihikayat din ang Univ na mag-enroll para sa “personal interest”, basta’t pumayag ang boss at hindi sasabay sa oras ng duty.

Ang ideya—kahit sino at anuman ang posisyon, pwedeng palawakin ang kakayahan at sumubok ng ibang trabaho.


Anjo bagaoisan standupper for ABS-CBN University final report
Unang standupper para sa final project ng unang klase.

Nagbukas ang ABS-CBN University sa isang pasangang bahagi ng karera ko sa Kapamilya network.

Una kong trabaho sa ABS ang pagiging field producer—alalay at karamay ng mga reporter sa pagsisigurong makakapag-live sila at eere ang mga istorya nila mula sa field.

Makalipas ang 5 taon, nagpahayag ako ng interes na sumubok mag-reporter, pero wala pa noong opening.

Kaya sa mga unang klase ko sa University ako nagkaroon ng pagkakataong mag-ensayo para sa ginagawa ko na ngayon—magkalap ng balita, magsulat ng kwento, at mismong mag-ulat nito.

Nanumbalik ang mga magdamagan nung kolehiyo.

Magkasama kaming nag-enroll ng mga batchmate kong sina Kerchlynn Tan at Bernadette Santos sa mga klaseng Broadcast Writing sa ilalim ni Ms Marie Mamawal at Journalism Research kay Ms Tess Bacalla noong 2014.

Kasunod nito, sinubukan ko naman ang Big Data Journalism class nina Ms Rowena Paraan at ang noo’y guest lecturer (ngayo’y head ng Data Analytics Team ng ABS-CBN) na si Edson Guido.

Para sa final project, nasama ako sa grupo ng mga reporter na sina Kori Quintos, Jacque Manabat, Zandro Ochona at Carolyn Bonquin.

Meeting at couch in abs-cbn newsroom with zandro ochona, jacque manabat, bernadette santos, eric florentino
Damay-damay group meeting sa opisina.

Dahil sa tindi ng kanilang mga schedule, inengganyo nila akong buoin at i-voice ang aming special report tungkol sa traffic. Sa kanila nanggaling ang mga paunang data, source, at gamit sa pag-shoot.

Parang naging audition tuloy ang paglabas ng report sa aming huling araw dahil nanood ang aming matataas na boss sa News.

Sumunod na taon, natanggap ako bilang reporter.

Big Data class graduation anjo bagaoisan with rowena paraan, edson guido, concon dumo, ging reyes, gabriel orendain
Pagtatapos sa Big Data Journ class (Photo from ABS-CBN University)

Sa halos anim na taon, naka-6 na subject na rin ako.

May broadcast voice sa ilalim ni sir Bob Novales, ang boses ng ASAP.

Bob Novales handles voicing exercise at ABS-CBN University class
Turo ni sir Bob, “Be You.” Huwag manggaya ng iba. (Photo from ABS-CBN University)


Media law kay Atty. Bong Lopez (walang relasyon sa mga may-ari ng ABS-CBN).

Anjo Bagaoisan & Atty Bong Lopez in media law and ethics class ABS-CBN University
Nakakahamong kahuntahan si sir Bong. Diyan namin sa klase napag-usapan ang issue ng prangkisa bago pa man naging mitsa ito ng pagsasara ng broadcast.

Conflict reporting sa security expert na si Prof. Rommel Banlaoi.

Special talk with AFP’s Maj. Gen. Edgard Arevalo

At last year, ang Documentary filmmaking kay Ms Marie Mamawal (sa tulong ng mga taga-DocuCentral).

Humabol na lang sa Lente festival, kung saan pinapakita pa ang mga ginagawa ng mga graduate

Sa iba, hindi na bago ang tinuturo sa ibang mga “basic” subject ng Univ, lalo kung nagtapos ka ng Masscomm o kaya’y matagal na sa industriya.

Turing ko naman dito, refresher.

“Welcome break” sa akin ang tatlong oras ng klase kada linggo dahil pwede kang mabaling sa ibang usapin na medyo may ugnayan sa trabaho pero hindi mismong trabaho.

Groufie with Bob Novales at ABS-CBN Univ
Groufie.

Pagkakataon din ito na sumubok o mag-eksperimento ng mga bagay na mahirap gawin o lusutin sa totoong trabaho dahil hindi ito ang nakasanayan.

Naging daan ito para makakilala ako ng mga kaibigan sa ibang mga departamento sa ABS-CBN, mula sa current affairs hanggang sa foundation.

Higit sa lahat, pagpapaalala ang bawat klase ng pagiging mag-aaral ko at kung bakit ko minahal ang propesyong ito.

Editng para sa docu class. Suot ko pala para sa ID ko ang lanyard ng university.
Ang mga eksena sa labas ng klase.
Pag grumaduate ka, may bihis din kahit papano.

Nakakapanghinayang na mamaalam ang University. Hindi lang mga klase sa journalism ang bigay nila, pero mayroon din para sa ibang mga unit (sa’n ka pa sa mga course na “Self-Discovery”) at minsan nag-iimbita pa ng guest speaker.

Hindi ko rin malilimutan ang itinawid nilang mga Kumustahan session sa pamamagitan ng Zoom noong panahon ng quarantine na nakatulong mapaluwag ang damdamin ng iba sa amin kasunod ng shutdown.

Sa lahat ng ito, walang sawang nangulit at umalalay sa amin ang mga taga-University tulad nina Ms Marie, Eric Florentino, Yam Concepcion, Julius Ramos, Mau Orense, Princess Nacionales, Marjorie Cocjin at iba pang mga staff. Iba ang kanilang malasakit para sa min.

Maraming salamat din sa aking mga boss na malugod na pumayag na isabay ko ang pag-aaral sa aking trabaho: Sir Donald Martinez, Ma’am Concon Dumo, at Sir Kiko Faulve.

Habang kumakain.
Pagsasaya sa unang graduation.

Sa lahat ng corporate values ng ABS-CBN, pinakapaborito ko ang “teaching and learning”. Patotoo ang ABS-CBN University na sineseryoso ito ng kompanya.

Sa buhay, forever ang pagtututo, at forever din ang pagiging Kapamilya.

Nawa’y kapag natapos na ang gulong ito, babalik ulit ang University para muling maging gabay.

Leave a comment