‘Walang saysay’: Para sa campus journalist

Contestants in a TV Broadcasting contest during the Division Schools Press Conference in Oriental Mindoro (Shot by Anjo Bagaoisan)

Magkaiba ang “contest journalism” sa “campus journalism.”

At lantad ang pananaw na ‘yan hindi lang tuwing panahon ng press con (mula CSPC hanggang NSPC), kundi sa mga isyu na kinahaharap ng midya at malayang pamamahayag.

Nakakalungkot lang na ang ilan sa mga walang kibo o natutuwa sa hayagan o pinalalabas na legal na pag-ipit sa mga outlet ng midya at ikinakatwiran pa ito ang mismo pang mga nagtuturo o naghahasa sa mga batang peryodista o mamamahayag sa paaralan.

Walang masamang paghusayan ang kakayahan sa journalism habang bata pa. Magandang dagdag sa academic record ang pumwesto sa contest. Nakakamulat ding karanasan ang maging bahagi ng campus paper.

At bukod sa lahat ng iyon, kahit ‘di ka mag-masscomm sa kolehiyo, magagamit mong life skill ang pagsulat nang direkta sa punto, pati na ang pakikipagtalastasan gamit ang multimedia.

Campus journalism contestants cover a mock press conference in Oriental Mindoro (Shot by Anjo Bagaoisan)

Pero kung ang kaalaman natin ay natatapos lang sa mga pahusayang teknikal gaya ng mga nakabibighaning graphics at swabeng flow ng newscast, o sa anong napag-ensayong kataga, drowing, o retrato ang kukuha ng kiliti ng mga hurado, walang saysay ito.

Walang saysay ito kung pagkatapos ng lahat, hindi natin nauunawaan ang bigat at halaga ng mga kuwentong tinatampok natin.

Kung gaano katinding trabaho ng maraming tao ang nasa likod ng isang inilabas na diyaryo, website, o programa.

Kung hindi natin naisasaisip o sinasaliksik yung dahilan sa bawat detalye o panig na kinukuha natin–at pino-post sa social media.

At kung ang tingin natin na trabaho ng media ay magbalita lang ng “good news” o yung pabor sa paniniwala mo.

Contestants in a TV Broadcasting contest during the Division Schools Press Conference of Oriental Mindoro (Shot by Anjo Bagaoisan)

Para sa mga journo, oo, may mga bagay na dapat nating kilingan at panindigan.

Kikilingan natin ang katotohanan.
Maninindigan tayo para sa karapatang pantao, kalayaan sa pamamahayag, at karapatan sa malayang impormasyon.
At isasaalang-alang natin ang interes ng taumbayan.

Lahat ng ito, madadala natin maging sa ating mga paaralan at komunidad. Madadala natin sa pag-a-analisa at pagbuo ng panig sa mga isyung umaapekto sa mga Pilipino.

Hindi lang para manalo ng contest (lalo’t wala muna nito ngayong taon). Kundi para maglingkod at mag-ambag.

Muli, ang tanong sa lahat ng ginagawa natin, para kanino?

Nawa’y ito’y panig sa katotohanan at panig sa bayan.

Campus journalists in the TV broadcasting category during the Division schools press conference in Oriental Mindoro shoot a spiel for their contest entry (Shot by Anjo Bagaoisan)

Leave a comment