Balik-gisaan sa FOCAP

FOCAP forum at Mandarin Oriental Manila, October 12, 2011. Shot by Anjo Bagaoisan

Ngayon lang ulit humarap ang isang nakaupong Pangulo ng Pilipinas sa grupo ng mga peryodistang bahagi ng mga dayuhang pahayagan.

Limang taon na kasing hindi pinagbigyan ang taunan palang ginagawa ng mga naunang Presidente mula kay Ferdinand Marcos–ang makipagbalitaktakan sa Foreign Correspondents Association of the Philippines o FOCAP.

Kaya ang inabangan: Ano kaya ang itatanong nila at ano kaya ang isasagot niya.

“No holds barred” daw kasi ito. Kahit ano, pwedeng ibato. Gisaan, ika nga ng malanding salitang pang-headline.

Para rin kasing humarap sa mundo ang Pangulo sa pakikipagtapatan niya sa mga correspondent ng mga organisasyon gaya ng Reuters, NHK ng Japan, at Agence France-Presse.

Iba nga lang ang mga isyu sa Pilipinas na mahalaga para sa mga bayang magbabasa ng kanilang mga isinusulat.

FOCAP forum at Mandarin Oriental Manila Oct 12, 2011. Shot by Anjo Bagaoisan

Kung sa atin, lagay ng ating mga OFW ang kadalasang dumidikta ng ating pagsubaybay sa mga bansang banyaga, may kanya-kanya ring interes ang ibang bansa pagdating sa Pilipinas.

Iba rin ang tapang kung magtanong at mag-report ang banyagang mamamahayag.

Hindi sa dahil ibang lahi sila. Sinasabi kasing hindi basta-bastang naaapektuhan ng mga maykapangyarihan sa isang lugar ang mga dayong reporter–maging ito’y Amerikanong nasa Maynila, o Manilenyong nasa probinsya.

Kaya nga nakilala ang FOCAP sa paninindigan nila laban sa pagsusupil ng diktadurya sa malayang pagbabalita noong Martial Law.

Paunahan

Wala na ang administrasyon na huling inabot ng harapang ito, na natigil dahil sa sunud-sunod na eskandalong kinasangkutan mula sa diumano’y dayaan sa Halalan 2004.

Kaya naman unang pagkakataon ito para kay Pangulong Noynoy Aquino. Dahilan para ipakunan nang live ng ABS-CBN News Channel o ANC.

Hindi nga lang basta-bastang makapagpapadala ng live video mula sa Mandarin Oriental Hotel sa Makati, kung saan ginanap ang presscon/tanghalian.

Shot by Anjo Bagaoisan

Silip sa bubungan

Bumisita pa kami ilang araw bago ito para masilip ang paparadahan ng aming ENG van, ang laladlaran ng mga kable at pupuwestuhan ng mga kamera.

Napakabusisi ng mga hotel pagdating sa technical setup. Kailangan hindi makita at hindi makasagabal sa mga patron nito. Ipinaalam pa namin sa dayuhang engineering head nila ang mga dadalhin naming gamit at ang pinakamaayos na dadaanan nila.

Pinakamahalagang malaman sa aming advance party visit ang tututukan ng aming antenna mula sa bubungan ng hotel. Kailangang tumapat nito sa antenna na sasalo ng signal pabalik sa ABS-CBN.

Kung walang tapatan, walang live.

Shot by Anjo Bagaoisan

Mga engineer naming sina Dexter at Lester, naglalaglag ng kable mula antenna papuntang van.

Buti naman at tanaw na tanaw ang receiver tower mula roon–pinapagitnaan lang ng mga nagtataasang pader sa ika-18 na palapag.

Magsasalita ang Pangulo sa pagbukas ng forum nang alas-10. Pero bago mag alas-6, naroon na kami.

Sinabihan pa ang grupo namin na mag-slacks, mag-sapatos na itim, at mag-polo.

Shot by Anjo Bagaoisan

Suot-pormal: Cameraman naming si Kuya Rene, lightman na si Kuya Pine, at audio-video engineer na si Reyzon.

Sila rin ang grupong kasama kong napabili ng puting polo barong para sa inaugurasyon ni PNoy noong 2010. Hindi pa rin nakakalabas sa plastic niyang lalagyan ang sa akin. Pangalawa o pangatlo nang suot naman ng ilan sa kanila.

Kasabay namin at ng mga staff ng hotel na nag-aayos sa ballroom ang mga tauhan ng Radio Television Malacañang o RTVM.

Tuwing may malaki-laking speaking engagement ang Pangulo, siguradong naroon sila. Dala nila ang prompter na babasahin niya at inaabangan ang bawat niyang magiging galaw para masigurong huli at maayos ito sa camera.

May tig-isa silang nakaabang na frontal shot sa tatayuan ni PNoy habang nagtatalumpati, at sa uupuan niya habang sinasagot ang mga tanong.

Laking tulong din ang RTVM at nakakapag-hook up kami ng ibang network sa kanilang mga kuha.

Tanungan

Parang araw-arawang press con lang sa Malakanyang ang forum ng FOCAP. Isang pila ng mga miyembro lamang ang makakapagtanong sa Pangulo.

Hanggang pakikinood at paghuli ng mga reaksyon lang ang mga dayong media.

May entrance fee pa, bilang pansagot sa gastusin, pagkain, at pagpopondo ng grupo: P1,500 sa miyembro ng FOCAP, P2,000 sa panauhin.

Shots by Anjo Bagaoisan

Ang tanghaliang napuntahan ng bahagi ng entrance fee.

Seryosong pulitika ang mga unang tanong kay PNoy.

Humingi ng reaksyon ang isang taga-Japan sa napabalitang paghuhukay ng mga labi ng mga sundalong Hapon na namatay noong World War 2. May mga buto pa raw kasi ng mga Pilipino na kasama sa nahuhukay.

Kinamusta ng isang Tsinong reporter ang pag-ikot ng Pangulo sa kanilang bansa (“Besides tiring?” hirit ni PNoy). At naroon pa rin ang walang-kamatayang isyu sa Spratly Islands.

Pakay talaga ng Pangulo doon na ibandera ang pagluwal ng pamahalaan ng 72-bilyong piso bilang pampasigla ng ekonomiya. Mensahe niya raw ito sa mundo na kakayanin ng bansa ang pandaigdigang krisis.

Shot by Anjo BagaoisanTJ Manotoc at FOCAP forum Shot by Anjo Bagaoisan

Willard Cheng at TJ Manotoc nagbabalita noong tanghalian. (Pindutin ang mga litrato para mapanood ang mga report nila sa TV Patrol at ANC)

Pero ang mga pahayag niya tungkol sa paglibing kay dating Pangulong Marcos at sa paghahabol ng kaso kay Rep. Gloria Arroyo ang bumandera sa ulo ng mga balita kinagabihan.

Agaw-pansin din ang pagtanong ng blogger at correspondent na si Raïssa Robles kung naglaro ng video games si Aquino noong Manila hostage crisis.

Pinanindigan ni Robles na akma lang ang kanyang tanong, lalo’t isyu pa rin ito sa Hong Kong na base ng pahayagan niya. Pero halatang hindi ito ikinatuwa ng Pangulo.

Iwas-pusoy na rin si PNoy sa tanong ukol sa lagay ng kanyang love life.

Presscon ng bayan

Tatak na marahil ng administrasyong Aquino ang pagiging bukas at palausap. Simu’t simula pinakita na niya ito bilang pangunahing pagkakaiba niya sa nauna sa kanya.

Halos kada lakad niya may nakaabang setup ang RTVM kung sakaling ambush-in siya ng interview ng press corps.

Kaya hindi na rin kagulat-gulat na sa ilalim niya muling binuhay ang balitaktakan ng Pangulo sa FOCAP.

Isyu na ang paglaro umano ni PNoy ng PSP sa mga nagmartsa noong SONA 2011.

Ngunit sa dami at dalas ng pakikipag-usap ng medya kay PNoy, puna pa rin ng kolumnistang si Amando Doronila na hindi ito tanda ng maayos nilang pakikitungo sa isa’t isa.

Nariyan ang minsa’y pagkairita ng Pangulo kapag hindi niya nagugustuhan ang mga tanong.

Hanggang ngayon din, hindi pa naipapasa ang panukalang Freedom of Information Act dahil inaayos pa raw ng Palasyo ang ilang pamantayan nito.

May patutunguhan pa rin naman itong patakaran ng tuloy-tuloy na talastasan.

Si Pangulong Aquino ang unang pinuno sa Asya na haharap sa kakaibang panayam ng video sharing site na YouTube, ang World View. Nauna na rito ang mga tulad nina Barack Obama ng US at David Cameron ng UK.

Presscon itong maituturing ng sambayanan, na maaaring magpadala ng mga tanong ukol sa pagbabago ng klima, kapayapaan at seguridad, pamamahala, pag-unlad na pantao at ng ekonomiya.

Hanggang Biyernes, Oktubre 28 na lang ang pasahan ng mga tanong na sulat o bidyo sa abs-cbnnews.com/askpnoy, sa youtube.com/worldview, o sa text.

Pagbobotohan ang mga ipinasa at tatanungin ito sa Pangulo sa panayam na mapapanood nang live sa YouTube at sa ABS-CBNnews.com sa Nobyembre 4, ala-una ng hapon, oras sa Pilipinas.

Eere din ito sa ANC Nobyembre 7, alas-7 ng gabi.

Napupunan man ni PNoy ang hangad ng mas bukas na panguluhan, hindi mawawala ang mga isyu sa anumang salik ng kanyang pamumuno.

Isang hangad ng medya ang tapat na pagsagot sa mga ito.

Hindi nga lang ito paniguro na mas tatamis ang relasyon ni PNoy sa mga nagbabalita tungkol sa kanya–sitwasyong hindi na bago sa sinumang naging Pangulo.

*Lahat ng kuha ay galing sa akin.

Advertisements

2 comments on “Balik-gisaan sa FOCAP

  1. PNoy still isn’t as media savvy as FVR. 🙂 But more so than GMA, I think. At least now he’s reaching out. But the best way for him to foster a working relationship with media and be on the same page somehow is, as you’ve mentioned, for him to push for the Freedom of Information Act.

    • Yup, I think even our journalism professors would agree. He knew well how to answer off the cuff with the press. Erap was a media creation, but issues got the better of him.

      I think transparency is the best that we in the media expect from our government. The adversarial relationship will always be there, and we the people will probably be the better with it. Thanks Mimi!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s